feedburner
Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

feedburner count

JC de Vera's efforts to become a better actor now paying off

Unti-unti nang nagbubunga ang pagiging seryoso ni JC de Vera sa kanyang trabaho. Marami na ang nakakapansin sa kahusayan niya bilang aktor. Nahasa ang young actor sa paglabas niya sa mga afternoon soaps ng GMA 7 na P.S. I Love You at Pasan Ko ang Daigdig hanggang sa gampanan niya ang isang mapanghamong papel sa primetime soap na Babangon Ako't Dudurugin Kita.

Muling pinatunayan ni JC ang kanyang kakayahan sa pag-arte nang itampok siya sa drama anthology na Obra, kung saan gumanap siya ng iba't ibang challenging roles bawat linggo. Dahil sa kahusayang ipinamalas ni JC ay marami ang pumuri sa kanyang pag-arte.

Ano ang masasabi ni JC dito?

"Masayang-masaya ako kasi, at least, nakikita nung mga tao yung pinaghihirapan ko, pinagpupuyatan ko. Kumbaga, nakikita nila na seryoso ako kaya masayang-masaya ako. Siyempre, thankful ako sa sumusuporta sa akin, thankful ako sa GMA, lalung-lalo na sa manager ko [Annabelle Rama] na sinusuportahan niya ako, na ipinaglalaban niya ako," saad ni JC.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si JC sa presscon ng pinakabagong primetime series niya sa kanyang home network, La Lola, kung saan katambal niya si Rhian Ramos.

THE NEXT LEADING MAN. Ngayong nagbibida na si JC sa mga primetime series ng GMA 7, hindi maiiwasan na ikumpara siya sa ibang Kapuso leading men gaya nina Richard Gutierrez, Dingdong Dantes, at Dennis Trillo. Sa palagay ba ni JC ay puwede na siyang maihilera sa top leading men ng Kapuso network sa pamamagitan ng La Lola?

"Hindi," mabilis niyang sagot. "Ibang level sila. Ibang batch sila, e, younger batch ako, e. True, mas matanda talaga sila sa akin. For the past three years, four years, sila yung mga nagiging inspirasyon ko, si Dennis, si Dingdong, si Richard.

"Yung mga narating nila, hindi ko pa narating. So, sila yung mga tinitingala ko na leading men ng GMA talaga. Sana one of these days, maabot ko yung mga narating nila."

Sa tingin niya ba ay next in line na siya?

"Well, hopefully, yes," sambit ng 22-year-old actor.

Kung si Richard ay nalilinya sa action, si Dingdong ay sa pagiging romantic leading man, at si Dennis naman ay sa drama, saan kaya gustong mag-excel ni JC?

"Ako, gusto kong mag-explore," sagot niya. "Yun yung sa tingin ko maganda sa akin. Willing akong mag-explore, willing akong mag-improve, willing akong matuto. Ako kasi, ayokong ma-typecast dun sa drama lang ang kaya ko, ayokong masabihan ako ng gano'n. At least, masabi nila na ‘Kaya pala niyang gumanap ng bulag, pipi, at bingi.' Yung mga gano'n, gusto kong mag-explore."

Sa murang edad ay kinakitaan na ng sensibilidad si JC bilang aktor. Saan niya hinuhugot ang kanyang mga emosyon sa pagganap?

"Sa totoo lang po, wala talaga akong problema sa buhay," sabi ni JC. "Kumbaga, hindi pa ako namatayan, hindi pa ako nawalan ng loved ones. Ang iniisip ko lang siguro na pinakamalalim na nangyari sa akin, yung sa love lang, e. Pero hindi ko puwedeng gamitin yun palagi sa mga eksena, e.

"Siguro ano lang, yung mismong eksena yung ginagamit ko, mismong story yung nagagamit ko. And lahat ng directors ng GMA, very helpful naman sila. Parati akong humihingi ng guidance."

Sinabi rin ni JC na humihingi siya ng acting coach sa bawat proyektong ginagawa niya.

Kuwento niya, "At least, once or thrice na taping, nandun sila para ma-refresh ako palagi ‘pag may magturo sa akin para sa characters. Kasi hindi ako nakakapag-workshop talaga kaya nanghihingi ako ng acting coach.

"Kunwari dun sa Obra, four weeks ako na paiba-iba yung characters. Para sa isang artista, mahirap siya mag-adjust sa isang character lalo na ‘pag nagamay mo na. Meron akong acting coach na palaging nagre-refresh ng mind ko, plus yung mga directors naman magagaling, very approachable, lahat sila mababait magbigay ng guidance."

RICHARD'S SHADOW. Si JC ay nasa ilalim ng pangangalaga ng talent manager na si Annabelle Rama, na siya ring manager ng anak nitong si Richard Gutierrez. Ngayong nakakakuha na ng magagandang proyekto si JC sa GMA 7, hindi ba siya nag-aalala na palaging prayoridad ni Annabelle si Richard at siya ay parating nasa likod lang nito?

"Hindi po," mabilis na sagot ni JC. "Si Richard, inspirasyon ko. Isa talaga siya sa mga tinitingala ko, lalo na kapatid ko siya dahil kay Tita Annabelle.

"Kay Tita Annabelle naman, wala naman akong masasabi sa kanya dahil thankful ako talaga na siya ang manager ko. Ipinaglalaban niya ako. Kung anuman yung nakukuha kong magagandang projects, malaking bagay na nandun siya. So, parte talaga siya sa success na nakukuha ko. Kumbaga, wala akong masasabi sa kanila. Actually, malaki pa ang naitutulong ni Chard sa akin, lalo na si Annabelle. Actually, yung buong Gutierrez family, tinutulungan nila ako. Parte talaga sila ng success ko."

May effort ba sa part ni JC na ibahin ang image niya kay Richard para hindi sila maikumpara palagi?

"Sobrang laki ng effort!" pag-amin niya. "Kasi ang hirap pumantay kay Chard. Sa sobrang dami na niyang nagawa, ‘tapos lahat pa ng nagawa niya, lahat nag-hit. Kaya ako, parang nahihirapan ako na, ‘Paano ba ako makikilala or paano ako makakagawa ng pangalan sa network?'

"Kaya siguro na lang yung paghihirap ko, kung bakit ganun na lang ang ugali ko towards work. Sobrang naging disiplinado ako, sobrang naging seryoso ako masyado. Para at least, maihiwalay ako sa iba. Para hindi ako ma-typecast na, ‘Hoy, teenybopper lang ‘yan! Hindi marunong umarte ‘yan!' Ayoko sanang masabihan ako ng ganun. Kaya pinipilit ko talaga ang sarili ko na mag-improve."

Ano naman ang masasabi niya sa obserbasyon ng iba na mas magaling siyang umarte kesa kay Richard?

"Different field naman yung ginagawa ni Chard, e," maingat na sabi ni JC. "Action naman yung ginagawa niya. Ako naman, nasa drama side ako... Tulad nga ng nasabi ko, idol ko siya. Kung anuman yung narating niya, kung mararating ko, magiging proud talaga ako.

"Basta sa network naman, ayokong i-compare yung sarili ko sa kanya kasi magkaiba naman kami. Kaya kahit anong sabihin ng tao, sa akin wala ‘yon. As long as nagkakaroon ako ng magagandang projects like itong La Lola, tulad nung Obra, happy na ako."

STATUS ON GMA 7. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon ng alitan sa pagitan ng manager ni JC na si Annabelle at ng SVP for Entertainment TV ng GMA 7 na si Ms. Wilma Galvante. Hindi ba naapektuhan si JC dahil sa nangyari?

"Honestly, hindi ko alam talaga kung apektado ako o hindi," pag-amin ni JC.

Pero aniya, "Actually nung debut ni Rhian [October 3], nagkausap naman kami ni Ms. Wilma. I think wala naman siyang intention talaga na idamay ako. Kasi ako naman, sobrang pure ng intentions ko na gumawa ng magandang show, mag-perform nang maayos. Kaya siguro ganun na lang din yung effort ko na magpaganda ng show ko, kaya para at least sabihin naman sa akin nila na, ‘Kahit ganito pala, i-keep natin si JC kasi okay naman.' Parang ganun. At least, meron silang reason para i-keep ako."

Napag-uusapan ba nila ng manager ang bagay na ito?

"Hindi namin napag-uusapan at ayokong magtanong sa kanya kasi masyadong personal ‘yon, e. Kung ano na lang ang ibigay niya sa akin, kung ano na lang ang sabihin niya sa akin, yun na lang," saad ni JC.

Ang La Lola ay magsisimula nang mapanood sa GMA 7 simula October 13. - Philippine Entertainment Portal



0 comments:

Post a Comment