Jean Garcia, Polo Ravales 'affair' souring?
Hindi pa man umaamin sa tunay nilang relasyon, sinasabing nagkakalabuan na raw sina Jean Garcia at Polo Ravales dahil daw sa isang baguhang aktres na nakitang kasama ng aktor sa gimikan.
Sa Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing naging kapansin-pansin ang pagiging matamlay sa isa’t isa nina Jean at Polo sa press conference ng pinakabagong telefantasya ng Kapuso Network na “Gagambino."
At lalo pa umanong lumakas ang hinala na may tampuhan ang dalawa sa sagot na ibinigay ni Jean tungkol sa kanila ni Polo.
“Wala lang…basta tingnan na lang natin kung ano ang mga susunod na kabanata," ani Jean.
Bago nito, may mga ulat na may nakakita raw kay Polo kasama ang baguhang aktres na si Krissa Mae sa isang bar.
Hindi naman ito itinanggi ni Krissa na unang nakilala bilang “Go Binggo" girl sa games show ni Arnel Ignacio.
“Marami kami mga 15 yata…girls and boys dun lang kami nagkwentuhan," paliwanag ni Krissa na kasama rin sa “Gagambino" na pangungunahan nina Dennis Trillo at Katrina Halili.
Idinagdag pa ng dalaga na tinulungan din siya ni Polo na maghanap ng murang mauupahan dahil sa nasa Amerika ang kanyang pamilya.
“Sinamahan ako ni Polo at yung mom nya para tingnan yung place," paliwanag niya.
Idinagdag naman ni Polo na hindi dapat bigyan ng malisya ang ginawa niyang pagtulong kay Krissa.
“Tumulong lang naman ako dahil alam ko na mahal yun rerentahan nya… and wala naman masama kung tumulong ako sa isang kaibigan lalo na kung kasama ko sa show," depensa ng binata. - Fidel Jimenez, GMANews.TV


Post a Comment