KC Concepcion, hindi galit kay John Lloyd!
MATAGAL na ring usap-usapan ang diumano ay pagtanggi ni KC Concepcion na makasama sa isang project si John Lloyd Cruz. Bago pa kasi gumawa ng pelikula si KC, si John Lloyd na ang itinuturo na magiging kapareha niya, pero hindi nga natuloy ang project.
At `yun na nga, nagsimula na ring kumalat ang tsismis na inayawan talaga ni KC si John Lloyd, bilang pakikisimpatiya sa Ate niya na si Ciara Sotto.
Nagkaroon ng relasyon sina Ciara at John Lloyd noon, at diumano ay hindi naging maganda ang samahan ng dalawa. At doon daw nagsimula ang galit ni KC kay John Lloyd?
Pero sabi nga ni KC, gustung-gusto niyang makasama si John Lloyd, at hindi raw totoo na tinanggihan niya ito noon. Wala rin daw dahilan para magalit siya kay John Lloyd.
“Wala po akong alam tungkol sa sinasabi nilang project na tinanggihan ko raw with John Lloyd. Wala po akong idea tungkol doon,” sabi ni KC.
So, siguro naman ay hindi na magagalit ang mga fans ni John Lloyd kay KC, dahil ang mismong anak nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion na ang naglinaw na okey sa kanya na magsama sila ni John Lloyd.
Pero sa ngayon, ang project muna nila ni Richard Gutierrez na For The First Time, mula sa Star Cinema ang dapat tutukan ng mga fans.
Kapansin-pansin nga na habang tumatagal ay mas nagiging sweet sina KC at Richard.
Sabi pa, ang pendant na ibinigay nila sa isa’t isa na mula sa lava ay simbolo ng kanilang pagmamahalan.
“Hindi naman po. First time naming nagsama ng matagal ni Chard, at nakilala ko siya nang husto. Pero, friends lang talaga kami,” say ni KC.
Pag-amin pa ni KC, hindi siya kumportable na pinipilit silang magkaroon ng relasyon ni Richard. Para sa kanya, hayaan na lang daw muna na magsimula sila ni Richard bilang magkaibigan.
“Ayoko munang isipin ‘yung mga bagay-bagay na nagli-lead sa
relationship. Kumportable ako sa ganito na magkaibigan kami,” sabi pa ni KC/
Siyanga pala, ang next project nina Richard at KC ay sa GMA Films nila gagawin. Aminado si KC, excited siya na makipagtrabaho sa GMA.
“Excited na po ako. Natutuwa po ako,” say na lang ni KC.


Post a Comment