Alfie Lorenzo on his ward Judy Ann Santos: "Pababayaan ko ba naman siya?"
Nagkaroon ng kakaibang speculation ang naisulat dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa nangyaring pagbabati ng talent manager at entertainment columnist na si Alfie Lorenzo at ng kanyang alaga na si Judy Ann Santos, at kung ano ang mga balitang hindi na lang namin naisulat.
Inakala ng marami na baka mga tagong lihim ang napagkuwentuhan namin noong gabi ng October 8 sa bahay mismo ni Alfie sa Panay Avenue—noong gabing unang nagkasagutan sila publicly ng kanyang alaga—kaya't mismong si Alfie na ang tumawag sa amin kagabi, October 20, para usisain ang naisulat namin.
Sabi namin sa kanya, kahit kami ay nagpadala na rin ng "reader's comment" sa PEP para iwasto sa pag-iisip ng mga mambabasa na hindi baho ang tinutukoy naming "kasiraan," at lalong hindi hindi ito "kasiraan" sa personalidad ni Juday. Iinagdag pa naming umiikot ito sa hindi pagpirma agad ni Juday ng bagong kontrata sa ABS-CBN hanggang 2011 at sa mga sinasabing "sulsoltants" niya na mga malapit na kaibigan ni Juday.
Nang mag-text kasi kami kay Alfie noong gabi ng October 8 para tanungin kung ano ang naging dahilan ng sagutan nila ni Juday, ikinabigla namin ang sagot niya sa text na may "sulsoltants" na rin daw ang kanyang alaga, kaya hindi na ito sumusunod sa kanya at kailangang padaanin pa sa abogado ang kontrata. Nagpasya kaming dumiretso sa bahay niya sa Panay Avenue para klaruhin ang pinagmulan ng away at kung maaari ay pangalanan ang mga sinasabing "sulsoltants" daw ni Juday.
Ikinuwento ni Alfie sa amin ang ilan sa detalye ng kontratang inilatag ng ABS-CBN kay Juday na magti-take effect sa 2009 at magtatapos sa 2011. Dahil may secrecy of contract clause, hindi kami puwedeng magsulat ng pinag-usapan namin ngunit, ayon sa sinabi ni Alfie, masasabing maganda ang kontrata at sakop dito kung sakaling mag-asawa at magkaanak si Juday.
Nang magsimula nang magbanggit ng mga pangalan si Alfie na tinutukoy niyang "sulsoltant," doon kami nagulat at nag-isip agad na kung isusulat namin ito, malamang na masira rin si Juday dahil mga malalapit na kaibigan niya ang mga ito. Sinisigurado lang namin na nang magkahiwalay naming tinanong ang pangalan ng fiancé ni Juday na si Ryan Agoncillo at ng manager nitong si Noel Ferrer kung mga "sulsoltant" din sila, tuwirang sinagot ni Alfie na hindi sila kasali.
Bago kami umuwi, tinanong nga namin si Alfie kung magkakaayos pa sila ni Juday. Sinigurado ito ng manager kung kaya't nagpasya na nga kaming patayin ang balita dahil maraming masasangkot at lalaki pa lalo ang gulo.
Linggo ng umaga, October 19, nang humingi kami ng permiso kay Alfie kung puwede na naming isulat ang ilang bahagi ng interview namin sa kanya dahil tila lumalaki na nga ang gulo. Pero nag-text si Alfie na nagkabati na sila ni Juday Sabado noong gabi, October 18, nang magpunta ang aktres sa bahay niya para mag-apologize.
Pinatay na lang din ng Showbiz Central ang balita nila tungkol sa away nina Alfie at Judy dahil ito naman ang magiging exclusive story ng The Buzz, ngunit naunahan ng PEP ng ilang oras ang balita.
ALFIE'S CALL. Sa tawag ni Alfie kagabi sa amin, sinigurado naming speculations lang ng mga readers ang sinasabi naming "kasiraan" kay Juday kung kaya't pati kami ay naki-comment na nga sa reader's section.
"Eto idagdag mo," sabi ni Alfie sa amin, "mag-isa lang nagpunta si Juday sa bahay ko noong Sabado ng gabi, nagpahatid lang sa driver niya. Nakapag-usap kami nang maayos. Ang ikinakatakot niya lang kasi, takot na siyang mademanda ulit kaya raw siya kumuha ngayon ng abogado. Sabi ko sa kanya, ‘Ako ang abogado mo for twenty years, hindi ka naman nademanda. Kaya ka lang nademanda sa BIR na hindi ko naman sakop, accountant mo ang may kagagawan nun.'
Patuloy ni Alfie, "Pababayaan ko ba naman siya? Alam mo naman kung gaano kaganda yung kontrata, ikinuwento ko nga yung iba sa iyo. Alam kaya ng mga galit na readers sa akin na kahit mag-asawa o magbuntis si Juday next year, assured na siya ng isang magandang kontrata na hindi bababa ang value niya? Kahit magbakasyon siya ng isang taon, mag-asawa siya, manganak, tuloy ang kontrata niya, may allowance pa. Hindi ba para sa kanya na rin yun?"
Dagdag niya, "O ‘eto na, isulat mo dahil baka isipin nila sikreto na naman ito. Tumawag sa akin si Ryan kagabi [October 20], sabi niya sa akin nagkabati na pala kami ni Juday. Sabi ko oo, pero tayo hindi pa kaya dapat mag-usap tayo."
Biro lang daw ito ni Alfie na magkaaway sila ni Ryan dahil hindi naman talaga. Pero totoo ang request niyang mag-uusap sila kasama ng manager nito na si Noel Ferrer "for future reference."
"O, hindi secret ‘yan ha," diin ni Alfie. "Pag-uusapan namin ang mga mangyayari sakaling makasal sila ni Juday para na rin sa kinabukasan nila. Kahit kailan, hindi ko sinasakop ang lovelife ni Juday. Wala na ako kung gusto nilang magpakasal dahil personal nila ito."
Nag-text naman kaagad ang PEP kay Noel para tanungin kung kailan mangyayari ang meeting nila ni Ryan kay Alfie.
"Regular usap namin ni Tito Alfie. Alam ko nag-usap sina Ryan at Tito Alfie last night din," sagot sa amin ni Noel ngayong umaga.
Pep.ph


Post a Comment